Julie Ann, inihatid na sa huling hantungan
MANILA, Philippines - Naihatid na kahapon sa kanyang huling hantungan ang pinatay na model na si Julie Ann Rodelas sa Las Piñas City.
Dakong alas-8:40 ng umaga nang inilabas sa kanilang tahanan sa Bagong Lipunan, Brgy. CAA Compound, Las Piñas ang labi ni Julie Ann at marami ang nakipaglibing dito, na pawang mga nakasuot ng puting damit. Sumama rin sa paghahatid sa kanya sa huling hantungan ang kanyang mga kamag-aral sa Aralleno University.
Nabatid na idinaan muna si Julie Ann sa Mary Queen Apostles Parish sa Parañaque City para sa misang inialay at sa huling basbas dito.
Nagsilbing mga escort ang ilang kagawad ng QCPD at Las Piñas City Police sa funeral procession nito. Dakong alas-11:20 na ng tanghali nang mailagak sa Golden Haven Memorial Park sa Las Piñas City si Julie Ann.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin matanggap ng pamilya ni Julie Ann ang nangyari rito lalo na nga sa kamay ng kanyang matalik na kaibigang si Althea Altamirano.
Magugunitang dalawa pang suspect at sinasabing siyang gunmen ni Julie Ann ang pinaghahanap pa rin ng pulisya, ito ay sina Efren Talib at alyas Aldos.
Patuloy din naman ang pagmo-monitor sa mga posible pang hideout ng dalawa na sinasabing nagtatago lang sa Metro Manila.
Samantala, isa sa dalawang pinaghahanap pang suspect na sangkot sa pagpaslang kay Rodelas ay nakita sa camera footage bago ang pagdukot sa nasabing modelo.
Ayon kay Chief Inspector Rodel Marcelo, ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, na ang suspect na si Efren Talib ay nakita sa footage kasama ang naaresto nang mga suspect na sina Fernando Quiambao Jr. at Jeymar Waradji habang kumakain sa isang tindahan sa Pasay City.
Sinabi ni Marcelo na tugma ito sa salaysay ni Waradji na kumain pa silang tatlo sa bisinidad kung saan dinukot si Rodelas bago ang aktuwal na pagkuha nila rito.
- Latest