Nang-agaw ng baril ng escort, tanod na killer ng BDO exec, todas sa pulis
MANILA, Philippines - Nabaril at napatay ang barangay tanod na suspect sa panloloob at pagmasaker sa tatlong babae na kinabibilangan ng bank executive, ina nito at kasambahay, matapos mang-agaw ng baril sa kanyang escort na pulis kahapon ng umaga sa Sta. Cruz, Maynila.
Idineklarang patay sa Justice Jose Abad Santos General Hospital dakong alas-12:15 ng tanghali kahapon ang barangay tanod na si Nestor Delizalde Jr., 34, nang barilin ng isang tauhan ng Manila Police District-District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) sa noo makaraang mang-agaw ng baril sa escort na si PO3 Michael Pastor.
Sa ulat ni Senior Inspector Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-11:35 ng umaga nang mangyari ang insidente kung saan sakay ng MPD-Mobile car ang suspect para sa recovery operation ng kanyang mga ninakaw sa Sta. Cruz.
Plano na umano ng suspect na mang-agaw na lamang ng baril dahil naiinip siya na tila unti-unti siyang pinapatay kapag isinasama sa recovery operation ng mga miyembro ng homicide section.
“Ayaw daw niya nang ganon, gusto raw niya mabilisan ayaw daw niya ng parang unti-unting pinapatay kaya sabi niya pag nag-follow-up ulit bukas, mang-aagaw na lang siya ng baril,” pahayag ng dalawang nakapiit at kasamahan sa selda ni Delizalde na sina Kenneth Soto at Juvonne Tolentino.
Ani De Ocampo, kasama nila ang DPIOU team sa recovery operation upang hanapin kung saan ipinatago ng suspect ang mga ninakaw niya subalit nang-agaw ng baril ang suspect at nakipambuno pa sa mga pulis hanggang sa maputukan ito sa noo.
Magugunita na nilaslas ni Delizalde ang leeg ng mag-inang Teresa Tan, 65, at anak nitong si Evelyn Tan, 40, na executive sa Banco de Oro (BDO) at ang kanilang kasambahay na si Cristina Bartolay, 22, pawang residente ng Yakal St., Sta. Cruz, Maynila noong nakalipas na Lunes.
- Latest