3 tiklo sa pekeng credit card
MANILA, Philippines - Arestado ang isang babae at dalawang kasamahan nitong lalaki matapos na gumamit ng pekeng credit card sa kanilang pamimili ng grocery items na nagkakahalaga ng P14,000 sa Cubao, lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay Supt. Ramon Pranada, hepe ng Quezon City Police Station 7, ang mga suspect ay nakilalalang sina Chelou Alimague, Red Lopez at Mark Atienza.
Si Alimague ay gumagamit ng duplicate na credit card sa pangalang Renz Ramos nang mamimili ng mga grocery items sa Shopwise sa Cubao alas-10 ng gabi.
Naganap ang pag-aresto nang mapuna ng isang staff na nasa counter na kahina-hinala ang iniabot nitong credit card na pambayad sa kanyang mga pinamili.
Nakita ng staff ang kakaibang kulay ng card at hindi tunay kung kaya nagpasya ang una na sabihin sa management para ipa-tsek ito sa bangkong pinagkunan ng card.
Agad namang kinontak ng bangko ang tunay na may-ari ng card na nakilalang si Marigil Castro.
Sabi pa ng opisyal, may nakuha pa kay Alimague na identification card na nagsasaad na isa siyang talent manager.
Nahaharap ngayon ang mga suspect ng estafa at paglabag sa Access Device Law.
- Latest