Buntis tumungga ng silver cleaner, patay
MANILA, Philippines - Patay ang isang buntis kasama ang sanggol sa sinapupunan nito matapos lumagok ng isang bote ng silver cleaner solution sa loob ng inuupahan nitong bahay sa Caloocan City kamakalawa ng gabi. Nasawi noon din si Cherry Rose Nellas, ng Brgy. 14 ng nabanggit na lungsod.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan City Police, bandang alas-11:00 ng gabi nang magpaalam si Cherry sa kanyang mga kasama sa bahay na matutulog na. Ngunit nagulat na lamang ang kanyang ate na si Tristine nang makita itong nangingisay, maitim na ang mga kamay at bumubula ang bibig.
Humingi pa ng tulong si Tristine sa mga kasamahan nilang nangungupahan, ngunit tuluyan nang nasawi si Cherry kasama ang bata sa kanyang sinapupunan.
Isinisisi naman ng pamilya ang pagpapatiwakal sa nobyo nitong si Raniel Balbuena na huli umanong nakasama ni Cherry.
Ngunit ayon sa binata, inilihim ni Cherry ang kanyang pagbubuntis at hindi umano niya makumpirma kung siya ang ama ng dinadala nito dahil may ka-text umano itong ibang lalaki.
Narekober sa pinangyarihan ang isang bote ng mineral water na sinalinan ng silver cleaner.
- Latest