Kahina-hinalang mga lalaki umaaligid sa bahay burol ng model na si Julie Ann, bantay-sarado
MANILA, Philippines - Mahigpit na seguridad ngayon ang ipinatutupad ng Las Piñas City Police sa burol ng pinaslang na television talent at modelong si Julie Ann Rodelas makaraang may mamataang umaali-aligid na kahina-hinalang mga lalaki ang pamilya ng biktima.
Samantala, base sa resulta ng isinagawang eksaminasyon ng QCPD-SOCO, positibong hinalay ang biktimang si Rodelas base sa nakita ritong laceration. Dahil dito, posibleng iakyat pa o itaas ang kasong murder sa rape with murder.
Isang pulong-balitaan ang nakatakdang isagawa ngayong araw na ito ng QCPD kaugnay pa rin sa naturang kaso.
Patungkol sa mahigpit na seguridad na inilatag sa burol ni Rodelas, sinabi ni Sr. Supt. Romulo Sapitula, hepe ng Las Piñas Police, dalawang pulis katuwang ang dalawang barangay tanod ang magbabantay sa burol ng mga labi ni Rodelas sa bawat 8-oras na shift upang matiyak ang kaligtasan ng pamilya nito.
Ito ay makaraang hilingin ng pamilya ni Rodelas ang magkaroon ng seguridad matapos na apat na lalaki lulan ng dalawang motorsiklo ang napansin na aali-aligid sa bahay ng biktima sa Bagong Lipunan St., CAA, Las Piñas kung saan nakaburol ang modelo. Sinabi ni Sapitula na hindi sila magtatanggal ng bantay sa burol hanggang hindi naililibing ang biktima.
Naglabas naman ng sama ng loob ang kuya ng biktima na si Alvin Rodelas sa itinuturong mastermind ng krimen na si Althea Altamirano. Sinabi ni Alvin na itinuring na rin nilang kapatid si Althea dahil sa matalik na kaibigan ng kanyang kapatid at ipinagkatiwala ang seguridad ng nakababatang kapatid tuwing gigimik sila. Hindi umano sapat na dahilan ang pagkakalat ng tsismis upang pagplanuhan at patayin ang kanyang kapatid na hindi niya umano mapapatawad hanggang nabubuhay ang suspek.
Magugunitang sa pagkanta ng isang suspect na si Jaymar Waradji binanggit nito na dalawang ulit munang hinalay si Rodelas ng mga kasamahang suspect bago ito tuluyang pinatay at saka itinulak papalabas ng Mitsubishi Montero na pag-aari ni Fernando Quiambao, ang nobyo ni Altamirano. Dalawa pang suspect na sinasabing siyang pumatay kay Rodelas ang pinaghahanap pa ng pulisya, ito ay sina Efren Tulip at isang alyas Aldos.
- Latest