Japanese national natagpuang walang buhay
MANILA, Philippines - Hinihinalang inatake ng sakit ang isang 60-anyos na Japanese national na nakikitira lamang sa kanyang dating driver, sa Sta. Cruz, Maynila, na nadiskubre kahapon ng umaga.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Odel Benitez ng Manila Police District-Homicide Section, ang biktimang si Masahide Asani ay dating negosyante at miyembro ng Philippine Chamber of Commerce and Industry in Japan (PCCIJ) na na-bankcrupt dahil sa mga bisyo.
Nanunuluyan lamang umano ito sa kanyang dating driver na si Francisco Grafil, 38, ng no. 1687 Bulacan St, .Sta.Cruz, Maynila.
Dakong alas-9:00 ng umaga ng matagpuang walang buhay ang biktima ng anak ni Grafil sa loob ng banyo.
Nabatid na noong taong 1997 ay dumaing sa Pilipinas ang biktima na dating konektado sa Ikuine Linkage Co.Ltd., bilang negosyante at madalas nakapagbiyahe na rin ito sa iba’t ibang panig ng mundo.
Taong 2006 nang bumalik muli sa bansa at hindi na nakabalik sa Japan dahil naubusan umano ng pera bunga ng mga bisyong sugal, alak at babae.
Sinabi ni Grafil na kung noon ay driver siya at mayaman ang biktima, nang muli silang magkita ay nakita niyang palaboy na lamang sa Mabini dahil wala ng pera kaya naisipan niyang patuluyin sa kanilang bahay taong 2009.
Nakakapag-abot naman umano paminsan-minsan ang nasabing banyaga kay Grafil kapag nakapanghingi ng pera sa mga kababayang Hapones.
Huli umanong nakitang buhay ang biktima alas-4:00 ng madaling-araw, habang nagko-computer.
Ipinaalam na ng MPD-Homicide Section sa embahada ng Japan ang sinapit ng biktima para sa kaukulang disposisyon.
- Latest