Coast Guard recruit, patay sa heat stroke
MANILA, Philippines - Patay ang isang Coast Guard recruit matapos itong ma-heat stroke habang nagti-training sa Philippine Cost Guard sa Taguig City kamakailan.
Ayon sa naantalang ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ng Taguig City Police, kinilala ang biktima na si Joel C. Bernot, na nasawi bago pa idating sa Parañaque Doctors Hospital.
Base sa report na natanggap ng Southern Police District Office (SPD), naganap ang insidente dakong alas-10:58 ng umaga noong Miyerkules sa loob ng Philippine Cost Guard Training School na matatagpuan sa M.L. Quezon St., Barangay New Lower Bicutan, Taguig City.
Nabatid na habang sumasalang sa training ang biktima ay nakaramdam ito nang paninikip ng dibdib, dahilan upang dalhin ito sa clinic ng naturang training school para bigyan ng paunang lunas.
Subalit, hindi nakuha sa first aid ang kalagayan ng biktima kung kaya’t mabilis itong isinugod sa nabanggit na ospital, subalit hindi na ito umabot pang buhay.
Base sa findings ng mga doctor, nabatid na heat stroke ang sanhi nang kamatayan ng biktima, sa kabila nito ay iniimbestigahan pa rin ang insidente.
- Latest