1 suspect sa Barrameda murder, laglag sa NBI

MANILA, Philippines - Matapos ang halos tatlong buwan na pagmamanman ng NBI, nadakip na ang isang  bodyguard-driver  ng Jimenez family na isa sa sangkot sa karumal-dumal na pagpatay kay Ruby Rose Barrameda noong taong 2007.

Nakilala ang dinakip na suspect na si  Robert­ “Obet” Ponce, ang  bodyguard umano ni  Lope Jimenez, tiyuhin ng asawa ni Ruby Rose na si Manuel Jimenez III, at may-ari ng  Buena Suerte Jimenez Fishing Com­pany, dakong alas-3:00 ng hapon nitong Miyerkules sa  pinagtataguan nitong bahay sa  Brgy. Naganacan, Cauayan, Isabela.

May  standing warrant of arrest na inisyu ang  Ma­labon City Regional Trial­ Court Branch 170 laban kay Ponce, ayon kay  NBI-STF chief, Atty.  Roland Argabioso. Matatandaang noong Marso 14, 2007 nawala si Ruby Rose sa gitna ng pag-aaway nilang mag-asawa sa kustodiya ng dalawang anak.

Makalipas ang 2- taon ay natagpuan ang bangkay ni Ruby Rose na sinemento sa isang drum na nakalubog sa dagat ng Navotas City, sa tulong ng  dating empleyado ng Jimemez fishing company na si Manuel Montero, na kumanta na rin sa insidente at nagturo sa  pamilya Jimenez na nasa likod ng krimen at kabilang dito ang tauhang si Ponce na may kinalaman sa pagpaslang sa biktima.

Sa pagtugaygay ng NBI kay Ponce, may mga kuha ng litrato na ipinakita sa witness na si Montero na nagpositibo kaya itinuloy ang pag-aresto dito.

Show comments