1 suspect sa Barrameda murder, laglag sa NBI
MANILA, Philippines - Matapos ang halos tatlong buwan na pagmamanman ng NBI, nadakip na ang isang bodyguard-driver ng Jimenez family na isa sa sangkot sa karumal-dumal na pagpatay kay Ruby Rose Barrameda noong taong 2007.
Nakilala ang dinakip na suspect na si Robert “Obet” Ponce, ang bodyguard umano ni Lope Jimenez, tiyuhin ng asawa ni Ruby Rose na si Manuel Jimenez III, at may-ari ng Buena Suerte Jimenez Fishing Company, dakong alas-3:00 ng hapon nitong Miyerkules sa pinagtataguan nitong bahay sa Brgy. Naganacan, Cauayan, Isabela.
May standing warrant of arrest na inisyu ang Malabon City Regional Trial Court Branch 170 laban kay Ponce, ayon kay NBI-STF chief, Atty. Roland Argabioso. Matatandaang noong Marso 14, 2007 nawala si Ruby Rose sa gitna ng pag-aaway nilang mag-asawa sa kustodiya ng dalawang anak.
Makalipas ang 2- taon ay natagpuan ang bangkay ni Ruby Rose na sinemento sa isang drum na nakalubog sa dagat ng Navotas City, sa tulong ng dating empleyado ng Jimemez fishing company na si Manuel Montero, na kumanta na rin sa insidente at nagturo sa pamilya Jimenez na nasa likod ng krimen at kabilang dito ang tauhang si Ponce na may kinalaman sa pagpaslang sa biktima.
Sa pagtugaygay ng NBI kay Ponce, may mga kuha ng litrato na ipinakita sa witness na si Montero na nagpositibo kaya itinuloy ang pag-aresto dito.
- Latest
- Trending