MANILA, Philippines - Sumuko na ang isang pulis na sinasabing bumigti at pumatay sa kanyang dating kinakasama sa harap ng dalawa nilang musmos na anak, kamakailan sa Beehive Traveler’s Inn, sa Sampaloc, Maynila.
Nabatid na ilang araw ang isinagawang manhunt operation ng Manila Police District-Homicide Section sa pamumuno ni P/Sr., Insp. Joselito de Ocampo laban sa suspect na si PO3 Ronald Fontejon, nakatalaga sa Police Security Protection Group (PSPG) sa Camp Crame, bago ito kusang sumuko.
Kamakalawa ng gabi, nang mapilitan itong sumuko sa isang heneral sa PNP-Camp Crame sa Quezon City at kahapon ay binitbit na ito sa MPD para sampahan ng kasong murder.
“Sumuko kagabi sa Camp Crame, siguro alam niya na marami nang sumusunod sa kanya, sinalto namin ang bahay nito sa Villamor Airbase, ’di namin nakita,” ayon kay P/Sr. Insp. De Ocampo.
Hinala ng pulisya na sa pagtanggi umanong makipagbalikan ng biktimang si Kylie Ann Barocca, 30, ng Tanza Cavite, ang tinitingnang motibo ng pulisya sa pamamaslang.
Napag-alaman na papaalis na muli si Barocca patungong Qatar, para sa inaplayan nitong lady truck driver.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na bago umano naganap ang insidente, niyaya umano ng suspect ang biktima na magsimba na lang dahil paalis na ito patungong Qatar at ipinasama pa nito ang kanilang dalawang anak pero sa halip na sa simbahan magtungo ay sa Traveller’s Inn itinuloy ang mag-iina.
Nabatid pa sa report ng pulisya na umano’y inalok pa ng kasal ng suspect ang biktima ngunit tumanggi ang huli na nagpatindi pa sa galit ng una.
Kaugnay nito, nasa kustodiya na ng kanilang lolo at lola ang naulilang bata na nasa edad 3 at 4.