Bus salpok sa tanker: 2 patay
MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi habang lima pa ang sugatan makaraang banggain ng pampasaherong bus ang sinusundang diesel tanker malapit sa Alabang Exit ng South Luzon Expressway sa Muntinlupa City kahapon ng umaga.
Inisyal na nakilala ang mga nasawi na sina Omer Garcia Jr., 33, konduktor ng bus at ang pasaherong si Alejandro Limbo, 46.
Isinugod naman sa Ospital ng Muntinlupa ang tatlo sa mga sugatang pasahero na sina Gail Castro, Ma. Cristina Ofalla at Icel Monsing.
Nakatakda namang isuko ng pamunuan ng Lippad Bus Transport ang driver ng kanilang bus na itinago muna ang pangalan.
Sa inisyal na ulat na nakarating sa tanggapan ni Skyway Vice-President Ed Nepomuceno, naganap ang insidente dakong alas-5:15 ng madaling-araw sa southbound lane ng Skyway malapit sa Alabang Exit.
Mabilis umano na pinatatakbo ng driver ng Lippad bus (PXP-822) ang sasak yan nang banggain nito ang likurang bahagi ng isang diesel tanker (WEV-149).
Nasa kanan at harapang bahagi ng bus ang mga biktima na siyang napuruhan ng pagkakabangga makaraang iiwas ng driver ang bus na biyaheng Alabang-Fairview upang mailigtas ang sarili.
Ayon sa pasahero at saksing si Maricel Ramirez, nagbibiruan umano ang driver at ang konduktor na si Garcia nang mauwi ito sa pikunan. Sa kanilang pagtatalo, halos paliparin na umano ng driver ang Lippad bus hanggang sa tuluyang bumangga sa diesel tanker.
Sinabi naman ng driver ng tanker na si Joselito Caday na lilipat umano siya ng lane nang biglang salpukin sa likuran ng naturang bus.
Dahil sa naturang aksidente, lumikha ng matinding pagbubuhol ng trapiko sa southbound lane ng SLEX hanggang Sucat Exit.
- Latest