Kotong uli hepe, 7 tauhan sinibak
MANILA, Philippines - Sinibak sa puwesto ni Southern Police District Director, Chief Supt. Benito Estipona ang hepe ng isang Police Community Precinct sa Pasay City at pito nitong tauhan makaraang makunan ng video ng pangongotong umano sa loob ng presinto.
Kinilala ni Estipona ang mga sinibak na sina P/Insp. Angel Aguas, hepe ng PCP-2 at mga tauhang sina SPO1 Francisco Aganan, PO3 Dennis Cabrera, PO1 Jeru Hernandez, PO1 Romeo Dimaculangan, PO1 Sunny Mercado, PO1 Reagan Recasio at PO1 Ryan Guzman.
Ang pitong nabanggit na mga pulis na pawang mga tauhan ni Insp. Aguas ay sinampahan ng kasong illegal arrest, physical injury at threat matapos ireklamo ng biktimang si Apolinario Cababan, 33, driver ng Bagontaas, Purok 7, Valencia, Bukidnon.
Nilinaw naman ni Estipona na tinanggal si Aguas sa puwesto dahil sa “command responsibility” kahit na isang linggo pa lamang itong nauupo sa posisyon. Pansamantalang ipinalit kay Aguas si P/Insp. Cesar Teneros.
Sa reklamo ni Cababan, hinuli siya ng mga pulis noon pang Oktubre 10 sa may Estrella Street sa hindi malinaw na dahilan. Dinala siya at isa pang babae sa PCP-2 at kinuha sa kanya ang P7,000 cash, cellular phone, at relo at pinaiwan pa ang kanyang motorsiklo na pinatutubos sa kanya sa halagang P10,000.
Nagsumbong naman si Cababan sa mga magkakapatid na host ng isang investigative program sa TV5 network kabilang na sina Ben, Erwin, at Raffy Tulfo na siyang nagplano at nagsagawa ng operasyon. Dito nakipagtransaksyon si Cababan sa mga pulis kung saan nakunan ang pagtanggap ng pera ng mga ito.
Minalas naman na nabuko ang nakalitaw na “lapel” ng mikropono na nakadugtong sa nakatagong “spy camera” sa katawan ni Cababan kaya ito inaresto at diretsong ikinulong ng mga pulis. Nakipag-ugnayan naman ang magkakapatid na Tulfo sa SPD na naging dahilan ng pagkakadiskubre ni Estipona sa umano’y pangongotong ng kanyang mga tauhan.
- Latest