Bebot niratrat, itinulak papalabas ng SUV
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang hindi pa nakilalang babae na matapos pagbabarilin ay itinulak papalabas sa SUV ng mga salarin sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon kay PO2 Jogene Hernandez ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, blangko pa rin sila sa pagkakakilanlan ng biktima dahil walang nakuhang anumang identification card mula rito, pero inilarawan ito sa edad na 20-25 anyos, maputi, may-taas na 5’2’’, mahaba ang buhok, nakasuot ng sando na may blazer.
Sinabi ni Hernandez, nakita ng ilang basurero na iniwan na lamang umano ang biktima ng isang Montero sports car sa may tabi ng kalye ng 18th Avenue, Murphy Cubao, ganap na alas-5 ng umaga.
Ayon sa isang testigo, isang kulay asul na Montero sports na hindi naplakahan ang huminto sa nasabing lugar. Kasunod nito ay narinig ang malakas na putok ng baril, bago ang magkakasunod pang putok ng baril mula rito.
Matapos ang mga putok ay biglang humarurot ang nasabing sasakyan patungo sa Don Jose St., Brgy. San Roque hanggang sa makita ang bangkay ng biktima.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Jimmy Jimena, kasama ng bangkay ng biktima ang isang supot ng pagkain at maging ang resibo ng binili nito sa drive thru ng isang fast food sa UN Avenue Ermita, Manila pasado alas-2 ng madaling-araw.
Sabi pa ni Jimena na isang Shirley na nakatira sa kalsada ang nagsabi na pagkahinto ng Montero ay nakita niyang itinulak ang babae papalabas saka pinagbabaril sa katawan bago bumagsak sa kalsada.
Posible rin umanong dalawa ang suspect sa pamamaslang sa biktima, isang nagsilbing driver at isang triggerman na nakaupo sa backseat kasama ang babaeng biktima.
Ayon pa sa ulat, ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala sa kanang sentido na tumagos sa likod ng kanyang ulo, isang tama ng bala sa kanang braso at kanang hita.
Narekober din ng awtoridad sa lugar ang dalawang basyo ng kalibre 40 baril at isang bala ng kalibre 45 at isang basyo nito.
Sa kasalukuyan, tinitingnan ng CIDU ang lugar na pinangyarihan ng krimen kung may CCTV na nakakabit para makuha ang plaka ng Montero. Bibisitahin din nila ang binilhang fast food nito sa Ermita para makuha ng CCTV footage, gayundin para makakuha ng impormasyon hingil sa biktima at kasama nito.
- Latest