Rollback uli sa presyo ng petrolyo
MANILA, Philippines - Makaraan ang big time rollback noong nakaraang linggo, muling magtatapyas sa presyo ng petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa dahil sa patuloy na pagbulusok ng halaga nito sa internasyunal na merkado.
Sabay-sabay na nagbaba ng kanilang presyo dakong alas-12:01 ng hatinggabi ang mga kompanyang Pilipinas Shell, Seaoil Philippines, at Eastern Petroleum.
Nasa P.35 kada litro ang ibababa ng mga ito sa presyo ng premium at unleaded gasoline, at P.20 kada litro sa presyo ng kerosene. Wala namang paggalaw sa presyo ng regular gasoline at diesel na gamit ng mga pampublikong behikulo.
Sinabi ni Toby Nebrida, tagapagsalita ng Shell, na nagresulta umano ang kanilang rolbak sa mababang halaga ng inangkat nilang mga produkto sa internasyunal na merkado na sinasalamin naman sa presyo ng lokal na merkado.
Wala pa namang anunsyo ang ibang kompanya ng langis ngunit inaasahan na susunod rin ang mga ito sa bagong galaw ng presyo ng petrolyo.
- Latest