Bisikleta para sa exemption sa number coding -- MMDA

MANILA, Philippines - Upang makahikayat ng mas maraming magbibisikleta, naisip ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magbigay ng premyo na isang araw na “exemption pass” sa “number coding” sa mga magbibi­sikleta ng 30 oras kada linggo.

“Nakapag-exercise ka na, nakabawas na sa pollution, magkaka-pass ka pa. Sa December medyo malamig ang panahon [para sa pagba-bike],” ani  MMDA  Chairman Francis Tolentino.

Sa ilalim ng naisip na programa, hinihikayat ang mga motorista na gumamit ng bisikleta sa kanilang pagpasok. Kung aabot sa 30 oras ang pagbibisikleta ng isang motorista na ibeberepika nila sa MMDA, bibigyan sila ng “exemption pass” para magamit ang kanilang sasakyan ng isang araw kahit na “coding” ang kanilang behikulo.

Sa ilalim ng number co­ding scheme, ipinatutupad ito mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi base sa hu­ling numero ng plaka. Bawal sa kalsada tuwing Lunes ang nagtatapos sa 1 at 2; 3 at 4 sa Martes; 5 at 6 sa Miyerkules; 7 at 8 sa Huwebes; at 9-0 kapag Biyernes habang walang co­ding tuwing Sabado at Linggo.

Pinag-aaralan rin ng MMDA na magpakalat ng mga bus na may espasyo para paglagyan ng mga bi­sikleta na gagamitin kapag malapit na sa kanilang opisina ang mga empleyado lalo na sa lugar ng Quezon City at Makati.

“Mga ganitong concept ina­ aral natin para ma-promote ang kultura ng bisi­kleta,” dagdag ni Tolentino.

Show comments