Mayor Lim, namahagi ng pangnegosyo sa 200 Manilenyo
MANILA, Philippines - Umaabot sa P300,000 ang capital assistance na ipinamahagi ni Manila Mayor Alfredo Lim sa may 200 na mahihirap na residente ng Maynila mula sa anim na distrito upang makapagsimula ng kanilang maliit na kabuhayan.
Kasabay nito, naniniwala ang lungsod ng Maynila na ito rin ang paraan upang mabawasan ang anumang krimen na dahilan ng kahirapan.
Ayon kay Lim, sa puhunang ipinamahagi may pagkakataon na ang mga mamahihirap na Manilenyo na magkaroon ng maliit na negosyo na makakapagbigay sa kanila ng maayos na pamumuhay.
“Ang lungsod ng Maynila ay tumutulong sa inyo nang walang interest. Puwede kayong magtayo ng kahit anong negosyo na inyong gustuhin. Kasabay nito ay ang aming pangaral sa inyo na palaguin ninyo ang perang ipinagkatiwala sa inyo ng siyudad ng Maynila,” ani Lim.
Gayunman, pinayuhan ni Lim ang mga residente na bayaran din ang kanilang mga inutang upang mapaikot at mapautang din sa iba pang mga nangangailangan.
Ipinaliwang naman ni Social welfare department chief Jay dela Fuente ang soft loans na P1,500 ay pandagdag sa mga may negosyo na at may pagkakataong palaguin pa ng kanilang mga negosyo.
Wala umanong interes ang uutangin na babayaran sa loob ng 10 linggo mula sa ‘Tulong Kapwa Scheme’.
Sinabi ni dela Fuente na nais ng alkalde na mabigyan ng maayos na pagkakitaan ang mga mahihirap na mamamayan kung kaya’t agad itong ipinatupad noong 2007 sa ikalawang pag upo ni Lim bilang alkalde.
Ito rin aniya ang nakikitang paran ng city government upang mabawasan din ang paggawa ng anumang krimen tulad ng pagnanakaw at holdapan.
- Latest