Buntis nanganak sa Mla. North Cemetery
MANILA, Philippines - Inabot ng panganganak ang isang 24-anyos na babae sa loob mismo ng Manila North Cemetery habang busy ang dagsa ng tao sa pagbisita sa nasabing sementeryo, sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Maswerteng sa pagkakataong iyon ay nakaantabay naman ang Philippine Red Cross team na nahingan ng tulong ng pinsan ng buntis na si Jenalyn Ventura, 24, kaya sa loob na ng ambulansiya ng PRC ito nagsilang ng isang malusog na sanggol na babae alas 8:20 ng gabi.
Nabatid na si Ventura ay nakatira sa loob ng sementeryo na sinasabing caretaker ng mga puntod sa nasabing libingan.
Nabansagan tuloy na “Unday” ang beybi dahil mismong Undas ito isinilang.
Ayon kay Archie Molos, team leader ng PRC- Manila Chapter, nang humilab ng sunod-sunod ang tiyan ni Ventura ay humingi na ito ng saklolo sa kanilang grupo at agad ring tumulong ang mga doktor ng Manila Health Department na itinalaga sa MNC.
Napilitan ang grupo ni Molos na ituloy na ang pagpapa-anak dahil lumalabas na ang ulo ng sanggol sa pwerta ng ina.
Matapos makapanganak ay agad siyang inilipat sa Ospital ng Tondo at nasa maayos ng kondisyon.
- Latest