Riding-in-tandem, todas sa shootout
MANILA, Philippines - Dalawang hinihinalang holdaper ang namatay matapos na makipagbarilan sa mga operatiba ng Manila Police District (MPD) makarang biktimahin ang dalawang babae sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang mga suspect na kapwa nasa pagitan ng 30-35-anyos, may taas na 5’6’’, ang isa ay nakasuot ng asul na t-shirt at maong pants, habang ang isa ay kulay maroon na t-shirt.
Sa report, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Felix Huertas at Batangas Sts., Sta. Cruz, Maynila.
Nauna rito, nagsasagawa ng pagpapatrulya sa nasabing lugar ang mga pulis na nakatalaga sa MPD-Station 3 sakay ang mobile car nang may biglang bumaril sa kanilang sasakyan kung saan tinamaan ang windshield nito kaya gumanti ng putok ang kapulisan kung saan bumulagta ang dalawang suspect.
Lumilitaw na hinoldap ng mga suspect sina Adoracion dela Cruz, 44, vendor ng Tondo, Maynila at Gina Manimtim at kinuha ang kanilang mga bag na naglalaman ng P8,000 cash at Nokia cellphone habang naglalakad.
Narekober sa mga suspect ang pouch bag ng mga biktima, isang 9mm at kalibre 38 na baril na hinihinalang ginamit sa panghoholdap at pamamaril sa mga pulis.
Nabatid na ang isa sa mga suspect din ang umagaw ng bag at bumaril at nakapatay sa call center agent noong Oktubre 28 sa may Felix Huertas St., habang naghihintay ng pampasaherong jeep.
- Latest