Mag-amang trader todas sa holdap, holdaper tigok din
MANILA, Philippines - Patay ang mag-amang negosyante matapos na manlaban sa tatlong holdaper kung saan isa sa mga suspect ang napatay din sa loob ng tindahan sa Sta. Cruz, Maynila.
Hindi na umabot ng buhay sa Metropolitan Memorial Medical Center si Shirra Gutierrez, 28, habang binawian naman ng buhay sa nasabi ding ospital ang ama nitong si Onofre Cruz, 53, may-ari ng OC Cruz Store sa no. 1320 Felix Huertas St. Sta. Cruz, Maynila.
Dead on the spot naman ang suspect na si Arnold Lipon Y Hinay, 36 , ng Cainta Rizal. Nagtamo ito ng tama ng bala sa mukha mula sa baril ng biktimang si Gutierrez.
Nakatakas ang dalawa sa kasamahang holdaper, na isa dito ay nagtamo ng tama ng bala sa balikat, na sakay ng walang plakang motorsiklo.
Sa ulat, dakong alas-3 ng hapon nitong Sabado nang makitang kumakain umano sa karinderya na kalapit ng tindahan ng diaper at diswashing liquid ng mga biktima, ang mga suspect.
Hindi nagtagal ay tumiyempo nang pasukin ang gilid ng eskinita ng tindahan papasok sa mismong opisina umano ng Cruz store at nagdeklara ng holdap si Lipon na may bitbit na baril.
Buo naman ang loob ng babaeng biktima nang mabilis na kunin ang kalibre 380 baril ngunit naunahan siya ng suspect na putukan. Sa kabila ng tama ay nagawa pang gumanti ng putok ang biktima na tumama sa mukha nito.
Dahil sa putukan ay pumasok na ang nagsilbing look-out at mabilis na pinaputukan pa si Gutierrez.
Nanlaban naman ang ama na naalarma sa nagaganap kaya pinuntahan sa loob ng opisina ang anak na pinutukan umano ng suspect.
Bago tuluyang bumulagta ay naputukan pa umano ni Gutierrez sa balikat ang ikalawang suspect.
Gayunman, tumakas ang suspect tangay ang di pa alam na salapit at tukoy kung magkano sakay ng get-away na motorsiklong walang plaka.
Kapwa naman isinugod sa naturang ospital ang mag-ama, ngunit sa daan pa lamang ay binawian na ng buhay si Gutierrez, habang nalagutan naman ng hininga ang amang si Cruz pasado alas 7 ng gabi.
Tinutunton na ng mga awtoridad kung saang pagamutan maaring tumakbo ang sugatang suspect.
- Latest