Trader na nagpakain ng pera sa kahera, dinakip
MANILA, Philippines - Nasa kamay na ng pulisya ang isang laundry shop owner na dinakip matapos na humingi ng tulong kay Manila Mayor Alfredo Lim ang isang kahera na pinakain umano ng pera ng una sa Maynila. Hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakapagpiyansa si John Paul Encinas, 27, na ngayon ay nasa General Assignment Section ng Manila Police District matapos na ireklamo ng unjust vexation, slight physical injury at slander by deeds ng kaherang si Marjorie Reynaldo, kahera sa isang kainan sa may P. Ocampo St., Taft Avenue, Maynila.
Nag-ugat ang reklamo ni Reynaldo nang singilin nito si Encinas sa kanyang kinain. Sinabihan umano ni Encinas si Reynaldo na maghintay at kukunin lamang nito sa kotse ang kanyang pera. Makalipas ang ilang oras ay bumalik si Encinas at humingi pa ng tubig sa biktima. Dito na muli tinanong ni Reynaldo ang bayad ni Encinas sa kanyang kinain na ikinagalit ng huli. Binuhusan ni Encinas ng tubig si Reynaldo, hinila ang t-shirt at muling binato ng mineral water at saka dumukot ng pambayad at pinakain sa biktima.
Sinabi naman ni Angel Macario, kasamahan ni Reynaldo na tinangka niyang pigilan si Encinas pero itinuloy pa rin nito ang pagpapakain ng pera kay Reynaldo na napangiwi pa sa CCTV video. Ayon naman sa ilang nakasaksi sa insidente, tinarayan ng kahera si Encinas kaya napikon ito na nagresulta sa sinasabing pananakit ng negosyante.
- Latest