Clean-up team, ikakalat ng MMDA sa mga sementeryo

MANILA, Philippines - Nagpakalat na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng clean-up teams sa pinakamaruruming pampublikong sementeryo sa Metro Manila upang linisin ang mga ito umpisa kahapon bilang paghahanda sa darating na Undas.

Tinukoy ni MMDA General Manager Corazon Jimenez na tututukan nila ang paglilinis sa Makati Public Cemetery, Pasay Public Cemetery, Navotas Public Cemetery at Tugatog Public Cemetery in Malabon, na kinilala na siyang apat na pinakamaruruming sementeryo sa kamaynilaan base sa nakaraang Undas.

Apat na grupo umano ang kanilang ipinakalat umpisa kahapon na maglilinis sa harap  ng mga sementeryo habang ang lokal na pamahalaan naman ang bahala sa paglilinis sa loob.

Sinabi ni Jimenez na kailangang dagdagan pa ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang paglilinis at pagmimintina sa mga sementeryo sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga tauhan sa mismong araw ng Undas sa Nobyembre 1 at 2.

Bukod dito, sinabi naman ni Asst. General Manager for Operations Emerson Carlos na inayos na nila ang kanilang taunang “contingency plan” ukol sa “Oplan Undas 2012”.  Kabilang dito ang pagtatalaga ng 2,300 traffic enforcers sa mga istratehikong lugar tungo sa mga sementeryo.

Nakatakda rin silang maglabas ng traffic advisory kabilang ang mga alternatibong ruta para maabisuhan ng mas maaga ang mga motorista.

 

Show comments