Actor na si Matt Evans, inaresto sa pambubugbog sa live-in partner
MANILA, Philippines - Kalaboso ang Kapamilya Fil-Am actor na si Matt Evans matapos na umano’y bugbugin ang kanyang bagong panganak na live-in partner, gayundin ang kapatid nito sa loob ng kanilang tahanan sa Pasig City kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyan nakadetine sa Pasig City Police si Evans bunsod ng reklamo ni Johnelline Hickins, 20, estudyante at kapatid nitong si Juan Alberto Carlotta.
Batay sa inisyal na ulat ni SPO1 Lardy Ignacio ng Pasig City Police, dakong alas-11 ng Sabado ng gabi nang mangyari ang insidente nang pambubugbog kay Hickins at kapatid nito sa Mercedes Avenue, San Miguel, Pasig.
Nauna rito, nagpaplano umano ng isang surprise birthday party para sa ika-26 taong kaarawan ni Evans ngayong araw (Oktubre 22) si Hickins at kapatid nito nang magkaroon nang mainitang pagtatalo ang actor na umuwi ng lasing, at ang kinakasama.
Dahil sa pag-aaway ng dalawa ay naitulak umano ni Evans ang babae sanhi upang mahulog ito sa hagdan at dahilan upang makialam na ang kapatid ni Hickins na si Carlotta.
Tinangka umano ni Carlotta na pigilan ang actor sa pananakit sa kaniyang kapatid, na kapapanganak pa lamang noong nakaraang buwan, ngunit maging siya umano ay sinipa nito sa mukha.
Nagkaroon pa umano ng hamunan ang dalawang lalaki na kapwa naghawak pa ng patalim, ngunit naawat naman ito ni Hickins. Nang dumating ang mga awtoridad ay saka lamang inaresto ang actor at dinala sa himpilan ng pulisya.
Nagtungo na ang mga abogado at kinatawan ng Star Magic, na siyang humahawak ng career ni Evans, sa Pasig City Police headquarters ngunit tumangging magkomento ang mga ito hinggil sa kalagayan ng actor.
Si Evans na sumikat matapos na magbida sa programang Komiks: Da Adventures of Pedro Penduko ng ABS-CBN, ay nakatakda umanong sampahan ng kasong violence against women at phy sical injuries.
- Latest