Greenhills niyanig ng pagsabog

MANILA, Philippines - Niyanig ng malakas na pagsa­ bog ng granada ang isang gusali malapit sa shopping center sa Green­hills, San Juan City kahapon ng madaling-araw.

Sa panayam kay EPD director, Chief Supt. Miguel Laurel, bandang ala-1:15 ng madaling-araw ng maganap ang pagsabog sa LK Hol­dings company sa Bonaventure Plaza Building sa kahabaan ng Ortigas Ave­nue sa lungsod na ito.

Ayon kay Laurel, isang MK2 type grenade ang granadang sumabog kung saan nawasak ang pintuan ng LK Holdings Company na nasa basement ng nasabing gusali. Wala namang iniulat na nasugatan sa nang­­yaring insidente.

Ang insidente ay iniulat sa pu­lisya ng mga security guard na sina Danilo Serreno at Eduardo Ordono na nakita ang usok na galing sa nasabing gusali.

Agad namang nagresponde sa lugar ang Explosive and Ordnance Disposal Unit ng San Juan City Police at narekober ang safety lever ng sumabog na granada.

Sinabi ng opisyal na kabilang sa sinisilip nilang anggulo sa kasong ito ay ang posibleng may kinalaman sa pagkakaaresto sa tatlong em­ple­yado ng kompanya sa Bulacan na na­sangkot sa pagdispalko ng P20-M na pondo ng kompanya.

Una nang sinampahan ng kasong qualified theft ng LK Holdings Company ang nasibak nitong tatlong empleyado.

Samantalang pinawi rin ng opis­yal ang mga espekulasyon na may kinalaman sa gaganaping paglagda bukas (Oktubre 15) sa Bangsamoro framework sa palasyo ng Malacañang ang naganap na pagsabog.

Idinagdag pa ng heneral na walang layuning makasakit ang pag­pa­pasabog manapa’y manakot lamang kung saan patuloy ang imbestigas­yon upang matukoy ang mga suspek.

Kaugnay nito, sinabi naman ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. na handang umayuda sa pagbibigay seguridad ang militar kaugnay ng gaganaping pagpapatibay sa Bangsamoro framework agreement.

Nananatili namang nasa heigh­tened alert status ang pulisya sa nasabing okasyon kung saan maraming mga VIP’s ang dadalo sa paglagda.  

Show comments