MANILA, Philippines - Hindi pa man tuluyang nareresolba ang insidente ng pananaksak sa estudyante ng UST sa loob ng FEU campus, isa na namang insidente ng karahasan ang naganap sa loob naman ng Adamson University kung saan isang lalaking IT student ang sinaksak ng kapwa niya mga estudyante, kamakalawa ng umaga.
Nakaratay pa sa Medical Center Manila (MCM) ang sugatang si Kevin Roi Castro, 21, ng Tondo, Maynila.
Kinilala naman ang mga suspect na sina Mark Raven Sallao, 18, estudyante rin ng AdU, at naninirahan sa Makati City at isang alyas “Juris” na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:48 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng ST Bldg., sa AdU compound, San Marcelino, Ermita, Maynila nang makita ng mga suspect ang biktima na agad na nilapitan at mabilis na sinaksak.
Nang nalaman ng mga security guard ang nasabing insidente ay isinugod ang biktima sa nasabing ospital habang mabilis namang nagsitakas ang mga suspect.
Ayon pa sa ulat na ang biktima ay miyembro ng SRB fraternity habang ang mga suspect ay miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity kaya pinaniniwalaang away fraternity ang motibo sa pananaksak.