Bebot minartilyo sa ulo ng lover na tomboy

MANILA, Philippines - Presinto ang binagsakan ng isang tomboy makaraang ireklamo ng kanyang kinakasamang babae na pinukpok umano nito ng martilyo sa ulo sa Mandaluyong City kahapon ng madaling araw.

Nakilala ang suspek na si Millie Cruz, 24, residente ng Brgy. Plainview, ng naturang lungsod. Inireklamo ito ng kinaka­samang nagpatago sa pangalang Jane, 23-anyos, ng San Juan City.

Sa ulat ng Mandaluyong Police-Women’s and Children Protection Desk, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang mag-away sina Cruz at Jane habang nag-iinom sa loob ng bahay ng suspek sa Brgy. Plainview. Binuksan umano ng biktima ang kanyang Facebook account ngunit agad na nakita ni Cruz ang litrato ng dating kasintahan ng kinakasama.

Agad nilukuban ng matinding selos dagdag pa ang impluwensya ng alak ang suspek na inumpisahang awayin ang kinakasama at kinuwestiyon kung bakit hindi pa tinatanggal sa kanyang “friends list” ang dating nobyo.

Nauwi ito sa mainitang pagtatalo hanggang sa dumampot ng martilyo ang suspek at pinagpupukpok ang biktima sa ulo. Nakahingi pa rin naman ng tulong ang biktima sa kanyang mga kaibigan na nagdala dito sa pagamutan habang dinakip naman ng mga barangay tanod ang suspek.

Sa himpilan ng pulisya ay halos manikluhod naman ang suspek sa paghingi ng tawad sa biktima kasabay ng pangakong hinding hindi na mauulit ang insidente. Sinabi naman ng biktima na papatawarin niya ang kinakasama at hindi na kakasuhan kung hahayaan na siyang makipaghiwalay sa kanya at umalis na ng bahay.

Pumayag naman ang suspek sa nais na mangyari ng biktima kaya hindi na itinuloy ng pulisya ang pagsasampa ng kaso kay Cruz.

Show comments