MANILA, Philippines - Tinapos ng isang teenager ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili matapos na pagsabihan ng kanyang nanay na itigil ang pag-inom ng alak sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Si Jeffrey Casilag, walang trabaho, ng Brgy. Paltok ay natagpuan na lamang nakabitin sa kisame ng kanilang bahay ng kanyang nanay na si Aling Perla.
Base sa pahayag ng nanay ng biktima, bago ang insidente ay pinagsabihan umano niya ang anak na tigilan na ang pakikipag-inuman sa mga kaibigan dahil baka magalit ang tiyuhin nito.
Diumano, nakikitira lamang ang mag-ina sa tiyuhing si Noel Santos at nahihiya na ang matandang Casilag sa madalas na pag-inom ng alak ng anak.
Posible umanong dinamdam ng huli ang payo ng ina, hanggang sa ganap na alas-7 ng umaga nang hanapin ng matanda ang biktima para kunin ang kanyang cellphone ay bumulaga sa kanyang harapan ang walang buhay na katawan nito habang nakabitin sa kisame gamit ang electric wire.