FEU student na nanaksak sa UST student, sinuspinde

MANILA, Philippines - Sinuspinde na ng Far Eastern University (FEU) ang isa sa mga estudyante nito na itinuturong sangkot umano sa pananaksak sa isang estudyante ng University of Sto. Tomas sa loob mismo ng kanilang campus sa Morayta, Sampaloc, Manila noong Oktubre 2.

Sa isang kalatas, si­nabi ni Albert Cabasada III, director for admissions and external relations ng FEU, na hindi nila kukun­ sintihin ang anumang uri ng karahasan sa loob ng kanilang mga campus. Aniya, sinumang mag-aaral na masasangkot sa anumang uri ng karaha­san, tulad nang naganap na pananaksak ay kaagad na sususpendihin.

Tiniyak rin ni Cabasada na kaagad nilang patatalsikin sa unibersidad ang estudyanteng sangkot sa krimen sa san­daling mapatunayang guilty ito sa kaso.

Tiniyak rin naman ng FEU sa mga mag-aaral at mga magulang na nagpapatupad na ang uni­bersidad ng mas istriktong inspeksiyon sa mga bag at gamit ng mga mag-aaral, gayundin sa mga bisita ng paaralan upang madagdagan ang seguridad na ipinatutupad nila sa kanilang mga campus.

Ang pahayag ng FEU ay ipinalabas matapos na sampahan ng kasong frustrated murder ng pu­lisya ang anim na estud­yante nito na umano’y su­­­maksak kay Joanne Lourdes Reyes, na IT student ng UST. Dumalo lamang umano sa awarding ceremony ng shot film festival ng mga Mass Com students sa FEU si Reyes nang maganap ang krimen.

Ani Cabasada, inalok na nila ng financial assis­tance ang biktima at handa umano silang ibigay ito sa sandaling magpasya ang pamilya Reyes na tanggapin ang tulong.

Nauna rito, sinabi umano ng ina ni Reyes na si Arlene Concepcion, na tila hindi sinsero ang FEU sa pagtulong sa ka­niyang anak.

Show comments