MANILA, Philippines - Nasa 12 pulis ang panibagong sinibak sa tungkulin ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, Chief Supt. Leonardo Espina dahil sa sari-saring kasong administratibo na kinakaharap.
Dahil dito, umakyat na sa 34 na pulis ang nasibak sa tungkulin, 15 ang na-demote sa posisyon, habang pito pa ang nasuspinde.
Kinilala ni Espina ang mga sinibak na sina PO3 Eddie Tayo (Southern Police District), nahaharap sa kasong child abuse dahil sa panggugulpi ng bata; SPO1 Salvador Cardena (SPD), SPO1 Elmer Parales (SPD) at PO3 Alexander Rafer (SPD), pawang nahaharap sa kasong “serious neglect of duty” dahil sa pagkawala ng pahina ng police blotter sa Las Piñas noong 2008.
Kasama pa dito sina PO1 Jeffrey Sumarco (Manila Police District), may kasong physical injuries at anti-human trafficking; PO1 Dennis Padol (NCRPO); PO1 Kenneth Asidao (MPD) at PO1 Al Rashid (SPD), pawang nahaharap sa kasong serious neglect of duty at “absent without leave (AWOL); PO1 Ricardo Sibayan (Quezon City Police District), serious neglect of duty; PO2 Jonathan Leonardo (MPD), nahaharap sa reklamo ng pagmamaneho ng lasing; PO1 Alexander Delos Santos at PO3 Romeo Bianes, dahil sa hindi pag dalo sa court hearings.
Kinilala naman ang mga pulis na na-demote ng ranggo na sina PO3 Alain Sigua, PO2 Ehron Balauat, PO2 Christopher Flores, PO2 Rodnie Plana, SPO1 Edgar Mejia, PO3 Marlon Gomez, PO3 Edgardo Mariano at PO3 Rodolfo Laxamana.