Matapos itaboy ang mga batang naglalaro sa riles pedicab driver, lasog sa tren

MANILA, Philippines - Nalasog ang katawan ng isang pedicab driver matapos na ma­sagasaan ng isang humahagibis na tren sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga makaraang itaboy ang mga batang naglalaro sa riles dahil sa paparating na tren ngunit minalas na siya ang mahagip.

Kinilala ang biktima na si Sergio Salazar, 38, nakatira malapit sa riles ng Philippine National Railways (PNR).

Batay sa report, alas-7 ng umaga nang maganap ang insidente sa Balic-Balic, Sampaloc habang tumatawid ng riles ang biktima nang makita ang  paparating na tren sa southbound ng riles kung saan naman may grupo ng mga batang naglalaro, kaya kanyang pinuntahan at sinaway.

Naitaboy naman ng biktima ang mga bata ngunit nang paalis na siya ay hindi napansin ang isa pang tren na galing naman sa northbound at papalapit na sa kanyang likuran.

Pinilit pa umano ng isang guwardiya ng tren na bigyan ng warning si Salazar ngunit huli na at tuluyan nang nasaga­saan ang biktima.

Agad namang isinugod sa Ospital ng Sampaloc ang biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival.

Show comments