Dahil sa pag-''like" sa Facebook: 46 nurses sa Taguig sinibak
MANILA, Philippines - Posibleng maparalisa ang operasyon ng Taguig-Pateros District Hospital makaraang sibakin ang higit sa 46 nurses na nagtatrabaho dito dahil lamang umano sa pag-like sa isang post sa social networking site na Facebook.
Nabatid na ang pagpapasibak sa 46 nurses ay nag-ugat sa pag-like umano ng mga ito sa post o komento ng isang volunteer na doktor ukol sa mga kakulangan ng naturang pagamutan sa gamot at mga kagamitan para tugunan ang pangangailangang medikal ng mga residente ng lungsod.
Matapos nito, bumaba na ang kautusan na sila ay tatanggalin sa kanilang mga trabaho kahit na hindi dumaan sa tamang proseso. Ayon sa mga nagrereklamong nurses, hindi man lamang umano sila kinausap ng pamunuan ng naturang pagamutan bago isagawa ang pagpapatanggal sa kanila.
Inireklamo pa ng mga ito na hindi sila binigyan ng pagamutan ng “certificate of employment” nang sila ay matanggap sa trabaho. Nanindigan naman ang pamahalaang lungsod ng Taguig na tama ang ginawa nilang pagtanggal sa mga empleyado dahil sa gumawa ang mga ito ng paglabag sa panuntunan ng pagamutan at dahil sa mga “contractual employees” lamang ang mga ito.
Ayon sa isang staff ng Taguig Public Information Office, kinokonsulta nila ngayon ang kanilang legal department upang magpalabas ng mas komprehensibong sagot ukol sa naturang isyu. Ang naturang isyu ay kasabay ngayon ng umiinit na usapin sa pagrebisa sa “Anti-Cybercrime Law” na nagtatakda ng mga paghihigpit sa paggamit sa internet at kinokondena naman ng mga “netizens” dahil sa pagsikil umano sa malayang paghahayag.
- Latest
- Trending