MANILA, Philippines - Nagtapos ang halos gabi-gabing pambibiktima ng 10 miyembro ng bagong grupong “Kolorum AUV FX Robbery Gang” na nambibiktima ng mga pasahero makaraang madakip sa sunud-sunod na operasyon ng Parañaque City Police.
Kinilala ni Southern Police District Director, Chief Supt. Benito Estipona ang unang mga nadakip na sina Ludy Dagupioso, 58, driver; Red Marlon Guarino, 23; Princess Leosa, 20 at Ritchie Cahinta, 38.
Sumunod namang nadakip sa follow-up operations sina Almario Rentillosa, 40; Luiz Bondoc, alyas Kingkong, 39; Ronelyn Consorte, 20; Jonnalyn Sarmiento, 20; Arvin Manal, 24 at Janice Brillatica, 28.
Sa ulat ng Parañaque City Police, una silang nakatanggap ng mga ulat ukol sa operasyon ng isang hold-up gang na gumagamit ng kolorum na AUV taxi na may rutang Sucat-Lawton matapos ang sunud-sunod na reklamo ng mga biktima.
Dakong alas-3 ng madaling araw nitong Oktubre 6, nagsagawa ng “stake-out operations” ang Intel Group sa pangunguna ni P/Chief Insp. Ferjen Torred sa may Dr. A Santos Avenue, Brgy. San Antonio kung saan natiyempuhan sa itinatag nilang checkpoint ang isang Mitsubishi Adventure na ipinapasada.
Dito nailigtas ang isa sa mga biktima na kasalukuyang hinoholdap ng apat na suspek na nagresulta sa kanilang pagkakadakip. Nang isailalim sa interogasyon, inginuso ng mga ito ang pagkakakilanlan at pinagtataguan ng kanilang mga kasamahan na pawang mga naaresto sa isinagawang follow-up operations sa Antipolo City, Cavite, Las Piñas at Parañaque.
Nakumpiska sa 10 suspek ang 3 kalibre .38 baril, Mitsubishi Adventure na biniberepika ngayon kung karnap, 2 granada, mahigit 20 mga bag na hinihinalang galing sa kanilang mga biktima, sari-saring mga pitaka at iba pang personal na mga gamit.
Modus-operandi ng grupo na magpanggap na namamasada sa mga ruta ng Maynila, Quezon City, Antipolo, Parañaque, Cavite kung saan sila mismo ang nagpapanggap na mga pasahero rin kasama ang tatlong babae upang hindi matakot ang babaeng bibiktimahin.
Sa oras na sumakay, magdedeklara ng holdap, utusang pumikit at lilimasin ang kanilang gamit. Kapag may hitsura pa umano ang biktima ay momolestiyahin pa ng mga manyakis na suspek.
Ayon kay Estipona, nasa 6 na biktima na ang lumutang sa kanilang tanggapan upang ireklamo ang mga suspek habang may dalawa na umanong nabiktima rin buhat sa San Mateo, Rizal at tatlo buhat sa Quezon City ang nais ring magdemanda. Posibleng maharap ang mga suspek sa kasong robbery hold-up, at illegal possesion of firearms and explosives.