Binata todas sa mag-utol

MANILA, Philippines - Isang binata ang patay makaraang mapatay sa saksak ng magkapatid kabilang ang isang 14-anyos na binatilyo sa lungsod Quezon kahapon.

Kinilala ang biktima na si Jeffrey Bunyaon, 19, residente ng No. 336 Fatima St. Bgy. Commonwealth sa lungsod.

Tugis naman ng awtoridad ang mga suspect na sina Randy Supat, 21 at kapatid nito na high school student kapwa naninirahan sa Blk 4 Lot 10 Carmencita St. Bgy Commonwealth sa lungsod.

Ayon kay PO2 Julius Cesar Balbuena, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa harapan ng bahay ng mga suspect, ganap na alas-2:30 ng madaling-araw.

Bago nito, niyaya umano ni Randy ang biktima na mag-inuman upang pag-usapan ang matagal nilang alitan.

Sa gitna ng inuman ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na humantong sa pagsusuntukan ng dalawa.

Nang makita naman ng batang suspect na sinusuntok ng biktima ang kanyang kuya ay agad siyang lumabas ng bahay bitbit ang patalim at inundayan ng saksak ang huli.

Nagawa pang isugod sa Fairview General Hospital ang biktima subalit idineklara din itong dead on arrival.

Lumilitaw na nag-ugat ang matagal ng alitan nina Supat at Bunyaon dahil sa iisang babae.

Show comments