MANILA, Philippines - Tinadtad ng bala ng hindi pa nakikilalang salarin ang 19-anyos na binata habang naglalakad sa kanilang lugar sa Pasay City kahapon ng madaling- araw.
Namatay kaagad ang biktimang si Felix dela Cruz. Nakatira sa 556 J. Luna St., sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng kalibre .40 pistola sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan ng tumakas na suspect.
Ayon kay Pasay Deputy Chief Supt. Manuel Turla, naganap ang insidente ng pamamaslang dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa kanto ng J. Luna at Aurora St. matapos lumabas ng isang internet shop ang biktima upang bumili ng sigarilyo sa katapat na tindahan.
Dito na hinarang ng salarin lulan ng isang motorsiklo ang biktima at sunud-sunod na pinagbabaril saka pinaharurot ang sasakyan sa pagtakas.
Nagresponde naman ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 5 sa lugar na pinangyarihan ng pamamaslang at tinangkang habulin ang salarin subalit hindi na nila ito inabutan.
Nakuha ng mga imbestigador sa pangunguna ni SPO3 Ronaldo Frades sa lugar na pinangyarihan ng pamamaslang ang anim na basyo ng kalibre .40 pistola at dalawang slug na mula sa armas na gamit ng suspect.