MANILA, Philippines - Patay ang babaeng presidente ng isang shipping line habang sugatan ang anak nito matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang mga suspek na lulan ng motorsiklo sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Valenzuela General Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Maria Theresita Go, 42, presidente ng Poseidon Shipping Line at residente ng Apple Ville Homes, Sta. Quiteria ng lungsod na ito.
Nasa ligtas namang kalagayan ang anak ng biktima na si Charles Dustin Go, 10, matapos madaplisan ng bala sa ulo habang wala namang tama ang kapatid na si Darryl Edimar, 19.
Sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-10:00 ng umaga sa Tullahan Road sa Caloocan City.
Nabatid na minamaneho ng nasawi ang kanyang Toyota Fortuner at pagsapit ng nasabing lugar ay sinabayan ng mga suspek sakay ng motorsiklong hindi na nakuha ang plaka.
Sunud-sunod na pinutukan ng mga suspek ang biktima na naging dahilan upang tamaan habang nadaplisan ang anak na si Dustin.
Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek habang nakahingi ng tulong si Darryl at nadala ang ina at kapatid sa naturang ospital. Inaalam na ng mga pulis kung sino ang may pakana sa pananambang at kung ano ang posibleng motibo rito.