3 kahon ng 'bomba', nakuha sa ibaba ng LRT
MANILA, Philippines - Hindi bomba kundi mga bubog lamang ang nilalaman ng tatlong kahon na dinetonate ng mga tauhan ng Manila Police District-Explosive Ordnance Division (MPD-EOD) na magkakahiwalay na inilagay sa panulukan ng C.M. Recto at Oroquieta Sts. sa Sta. Cruz, Maynila sa ibaba ng Light Rail Transit line 2 sa Recto Station.
Ito ang nilinaw kahapon ni MPD Director P/Chief Supt. Alejandro Gutierrez, matapos pasabugin ang mga nasabing kahon na unang hinihinalang may laman na bomba sa lugar ng mga taong posibleng nais lamang maghasik ng takot.
Dakong alas-12:00 ng tanghali kahapon nang itawag sa pulisya ang mga kahina-hinalang kahon kaya agad rumesponde ang bomb squad sa lugar kung saan ikinordon ang erya at binantayan ng mga pulis at barangay tanod.
Binasa muna ang paligid at pinasabog ang mga kahon subalit pawang mga bubog lamang umano ang lumabas.
Nasa kustodiya ng Barangay 310 ang mga nasabing kahon, habang inaalam pa ng MPD kung nakunan ng closed circuit television (CCTV) ang taong nag-iwan nito sa lugar.
Ang detonation o pagpapasabog lamang umano ang naging sanhi para magkaroon ng tensiyon sa mataong lugar ng Recto dahil narinig nila ang pagsabog subalit walang bomba na dapat ipangamba ang publiko.
“Hindi totoong may bomba, baka yung mismong tumawag na may bomba at may sumabog sa lugar, isang tao lang yun, baka siya rin ang naglagay nun, hindi natin alam. Ang tinitiyak ko lang sa publiko, mas pinaigting ang pagbabantay ng ating kapulisan dahil halos lahat ng erya natin ay may nakaposteng mga pulis, sa utos na rin ni NCRPO chief General Leonardo Espina,” ani Gutierrez.
- Latest
- Trending