10 bala inubos sa parak
MANILA, Philippines - Sampung tama ng bala ng baril ang kumitil sa buhay ng isang tauhan ng Manila Police District nang palagan ng sinitang riding-in-tandem sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Manila Doctors Hospital ang biktimang si PO1 Ryan Bagadiong, 36, nakatalaga sa Pedro Gil-Police Community Precinct at residente ng Tondo, Maynila.
Ayon kay PO3 Charles John Duran, ng MPD-Homicide Section, nagtamo ng sampung tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Bagadiong, isa rito ay sa pisngi, na mula sa kalibre .45 baril.
Hindi na narekober ang service firearm ng biktima sa pinangyarihan na sinasabing kinuha rin ng mga suspect.
Bukod dito, tinangay din ng mga salarin ang motorsiklo ng biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, isa sa mga suspect ay tinamaan din ng pulis na nagawa pang makapagpaputok ng baril sa kabila ng kanyang mga tinamong tama.
Tinutunton ito ngayon sa follow-up operation ng mga tauhang MPD-Homicide Section.
“Armado rin ’yung mga suspect kasi 9mm yung service firearm ng pulis natin, pero di na narekober, yung ginamit sa kanyang kalibre .45. Sabi nung mga nakakita, nakaputok pa si Bagadiong kahit marami nang tama sa katawan kaya posibleng makita sa ospital ’yung isang suspect,” ani PO3 Duran.
Naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng umaga sa harap ng Bank of Philippine Islands (BPI) sa UN Avenue, malapit sa panulukan ng M.H. Del Pilar st., Ermita, Maynila.
Nabatid na inutusan ng kanilang hepe si Bagadiong at PO2 Rolando Cabalza na puntahan ang erya ng US Embassy upang paalisin ang mga palaboy na natutulog sa lugar.
Magkahiwalay ng daan ang dalawang pulis at nauna umano si Bagadiong na nakarating sa M.H. Del Pilar sa UN Avenue nang mamataan ang riding-in-tandem na kahina-hinala ang kilos at walang suot na helmet.
Sinita umano ang mga ito ng pulis kaya pinababa sa motorsiklo at pinadapa at kinapkapan saka humingi ng assistance sa kasamahan. Gayunman, isa sa suspect na nakasuot ng itim na t-shirt ang tumayo at inagawan siya ng baril hanggang sa tuluyan itong putukan at pagtulungang barilin.
May tama na ng mga bala ay sinikap pang gumapang ng biktima patungo sa motorsiklo niya subalit muli siyang nilapitan at pinaulanan ng putok ng dalawa.
Dali-daling sumakay sa dalang motorsiklo ang dalawa, ngunit hindi na nila ito mapaandar kaya iniwan ito at inagaw na lamang ang motorsiklo ng pulis na ginamit sa pagtakas.
Huli na nang dumating si Cabalza na siyang nagsugod sa bikima sa pagamutan.
- Latest
- Trending