MANILA, Philippines - Inaalam ngayon ng Muntinlupa City Police kung sadyang nagpakamatay o may naganap na foul play makaraang bumagsak ang isang 30-anyos na lalaki na sinasabing isang commercial pilot buhat sa itaas ng tinutuluyang hotel, kahapon ng umaga sa naturang lungsod.
Nagkalasug-lasog ang katawan ng biktimang nakilalang si Anton Miguel Osmeña, residente ng Alabang Hills, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-6 ng umaga nang makarinig ng malakas na kalabog ang security guard sa ibaba ng Vivere Hotel sa may Bridgeway Avenue, Filinvest Corporate City, Alabang.
Nang puntahan, dito nadiskubre ang duguang bangkay ng biktima.
Sa nakalap sa rekord ng hotel, dakong alas-4 ng madaling-araw nang mag-check-in ang biktima sa isang unit sa ika-29 na palapag. Hindi naman umano tumanggap ng sinumang bisita ang biktima sa naturang mga oras.
Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente lalo na’t wala umanong nakitang suicide note sa inokupahan nitong silid.
Inaalam din ng pulisya kung malapit na kaanak ng bantog na Osmeña clan sa Cebu ang biktima habang nabatid na piloto ito sa nakuhang identification card.