MANILA, Philippines - Natangay ang hindi kukulangin sa P100,000 halaga ng pera at alahas, maging ang mga mamahaling gamit sa dalawang negosyante matapos na holdapin ng tatlong armadong suspect sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Sa ulat ng Galas Police Station, nakilala ang mga biktima na sina Maryjane Ortoyo, dalaga, at Alejandro Caingis; kapwa residente ng Mandaluyong City.
Natangay sa kanila ang isang lady’s bag na naglalaman ng 600 dollars; P25,000 cash; gold necklace P120,000; diamond ring at earrings, gold bracelet na may kabuuang P20,000, na pag-aari ni Ortoyo; habang kay Cainglis naman ay isang gold ring na may diamond P30,000; Armscor 45 pistol; wallet na naglalaman ng mga identification card at cash na halagang P15,000.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may Bulaluhan sa may Ramirez na matatagpuan sa N. Ramirez St., Brgy. Don Manuel, ganap na alas-11 ng gabi.
Diumano, kumakain sa nasabing karinderya ang mga biktima nang dumating ang mga suspect at biglang tinutukan ng baril ang mga ito saka nagdeklara ng holdap.
Nang makuha ang pakay sa mga biktima ay agad na sumibat ang mga suspect sakay ng kanilang get-away na sasakyan kabilang dito ang motorsiklo, Honda Civic (UKM-522) at isang owner-type jeep, patungong E. Rodriguez Sr., Blvd.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.