Kumuyog, sumaksak sa UST coed, kilala na
MANILA, Philippines -Kilala na at posibleng makasuhan anumang oras ang mga suspect sa pananaksak sa isang 20-anyos na estudyante ng University of Santo Tomas (UST) ng mga babaeng nursing students umano ng Far Eastern University (FEU).
Sinabi kahapon ni P/Supt. James Afalla, hepe ng Manila Police District-station 4, hinihintay nila ang medical certificate at complaint affidavit na dadalhin ng ina ng biktimang si Joanne Lourdes Reyes , Information Technology student ng UST, na kasalukuyang nakaratay pa sa Chinese General Hospital.
“Yung kaso puwedeng attempted murder, pero hindi pa sure kasi ibabase natin yun sa statement ng victim, sa reklamo at sa medical certificate,” ani Afalla.
Dagdag pa niya, nagtamo ng limang saksak sa likod at may malalalim na tama rin sa tiyan ang biktima, bagamat nasa stable condition na ito at nakikipagtulungan naman umano ang pamunuan ng FEU.
Hindi rin umano nila maaaring arestuhin ang hindi pa pinangalanang mga suspect na nursing student dahil wala namang warrant of arrest hangga’t wala pang naisasampang reklamo.
Hindi rin umano matukoy ang motibo sa pananaksak at pagkuyog sa biktima dahil hindi pa umano nila nakakausap ang mismong biktima hangga’t wala pa ang sariling abogado.
Sa panig naman ng FEU, sinabi ni Arnel Vasquez, media relation officer, na hindi niya maaaring ikumpirma kung ano ang motibo at kung mga estudyante ng FEU ang sangkot sa pananaksak dahil ipinauubaya nila ang imbestigasyon sa pulisya.
Katunayan aniya, isinumite nila ang kopya ng closed circuit television footage sa MPD-Station 4 upang pagbatayan sa insidente at makita ang pangyayari maging ang pagkilanlan ng mga suspect.
Nabatid din kay Vasquez, na mas pinaigting ang inspeksiyon sa mga bag ng mga estudyante, hindi lamang sa entrance kundi sa paglabas ng campus.
Sinabi naman ni PO2 Aron Cortez, ang testigong si Roselle Armin, ng FEU ang nag-imbita sa biktima sa panonood ng film showing ng FEU auditorium kaya ito rin ang kumilala sa suspect na nursing student sa FEU at 5 iba pang estudyanteng babae.
- Latest
- Trending