MANILA, Philippines - Kinuyog at sinaksak ang isang 20-anyos na estudyante ng University of Santo Tomas (UST) ng may anim na babae ring mag-aaral naman ng Far Eastern Univerity (FEU) sa loob ng FEU campus sa Sampaloc, Maynila.
Kasalukuyang ginagamot sa Chinese General Hospital ang biktimang si Joanne Lourdes Reyes, Information Technology student ng UST at residente ng Patricia Southville, Imus, Cavite.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa 6 na babaeng suspect na sinasabing mga nursing students na tumakas matapos ang insidente.
Sa report ng Manila Police District-Station 4 (Sampaloc), dakong alas-6:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng FEU campus sa Morayta, Manila.
Nabatid na naimbitahan lamang ang biktima ng kaibigan niyang estudyante ng FEU para manood ng stage play at nang palabas na umano ito sa auditorium ay inabangan at inatake ng anim na kababaihan na sumaksak pa sa kanya.
Sa ipinalabas na statement ng FEU, sinabi ni Albert III R. Cabaca, Director, ng Ad mission and External Relations Office, nagpadala sila sa pulisya ng kopya ng CCTV at access para sa isasagawang imbestigasyon sa pamumuno ni Capt. Antonjo Naag, hepe ng MPD-UBA.
Maging ang pamunuan ng eskwelahan ay nagsasagawa ng sariling imbestigasyon sa insidente habang nangako rin na tutulong sa pagpapagamot sa biktima.
Dagdag pa ng kanilang tanggapan na inaalam din nila kung ang anim na suspect ay kanilang estudyante bagamat inamin na naganap ang insidente sa loob ng kanilang campus.