Hindi pinakanta sa videoke, pumatay

MANILA, Philippines - Utas ang isang 32-anyos na binata makaraang saksakin ng isang 60-anyos na matandang binata na napikon makaraang hindi siya pakantahin ng una dahil umano sa sintunadong boses sa loob ng isang karaoke bar sa Las Piñas City kamakalawa ng gabi. Nakilala ang nasawi na si Edwin Miranda.

Nadakip naman kaagad ng nagrespondeng pulis ang suspect na si Angel Julio. Sa ulat ng Las Piñas Police, naganap ang krimen dakong alas-11 ng gabi sa loob ng Padrino’s Karaoke Bar and Restaurant sa Brgy. Manuyo kung saan nag-iinuman ang biktima, suspek at iba pang barkada. 

Nabatid na kumanta si Miranda at nang matapos ay aawit sana si Julio ngunit tumanggi ang biktima na ibigay ang mikropono. Sa halip, nilait-lait pa umano ng lasing nang si Miranda si Julio dahil sa sintunado umano ang boses ng matandang binata.

Dito sumiklab ang mainitang pagtatalo hanggang sa kumuha ng patalim si Julio at sunud-sunod na tinarakan ang biktima. Nagtangka pang tumakas si Julio ngunit agad din namang naabutan ng mga rumespondeng pulis.

Show comments