MANILA, Philippines - Pormal na naghain na rin ng Certificate of Candidacy (COC) ang Bagong Parañaque Movement Coalition sa pangunguna ni Rep. Edwin Olivarez na tatakbo ngayon bilang alkalde ng lungsod. Kasama ni Olivarez sa kanilang tiket sina Bong Benson na tatakbo bilang Bise-Alkalde, Eric Olivarez na tatakbong Congressman sa 1st District at Joey Marquez na tatakbo naman bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng lungsod.
Tampok din sa naturang tiket ang muling pagsasama ng dating aktor na si Marquez sa dating asawa na si Alma Moreno na tatakbo rin sa ilalim ng koalisyon bilang konsehal.
Sinabi ni Olivarez na ilan sa isyu na nais niyang tutukan ang “reclamation” sa higit 200 ektaryang baybayin sa Freedom Island na planong gawing isang “commercial center”.
Nangangamba si Olivarez na sa oras na matuloy ang pagtabon ng lupa sa shoreline ay lulubog sa baha ang 12 sa 16 na barangay ng lungsod dahil sa mawawalan ng natural na proteksyon sa high tide. Iginiit nito na hindi umano dumaan sa tamang proseso ang desisyon para sa reclamation kabilang na ang kawalan ng “public hearing” bago ito aprubahan.
Bukod dito, nais din ni Olivarez na itigil ang nagaganap na demolisyon katulad ng nangyari sa Olivarez Compound. Nararapat umano na ipinatupad na lamang ang umiiral na ordinansa na ipinasa noon pang 2003 na nakasaad na ang 10 ektaryang lupain sa Olivarez Compound ay idedebelop bilang housing project kung saan magiging benepisaryo rin ang mga totoong residente ng compound.