Hepe ng TF Commonwealth, patay sa ambush
MANILA, Philippines - Patay ang isang tauhan ng Quezon City Hall matapos na pagbabarilin ng apat na armadong kalalakihan kung saan napatay din ang isa sa mga suspect matapos ang shootout sa pagitan ng mga rumespondeng awtoridad kahapon ng hapon.
Ayon kay Chief Insp. Richie Claraval, hepe ng city hall detachment ng pulisya, dead- on-arrival sa ospital si Manuel Buncio, 72, hepe ng Task Force Commonwealth na nangangalaga sa peace and order, traffic at pagpapaalis sa mga illegal vendor sa nasabing lugar.
Tinukoy naman ang nasawing suspect sa alyas na Rommel Buldos o Bukno.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Commonwealthng Avenue, partikular sa harap ng Commonwealth Elementary School, ganap na alas-4:30 ng hapon. Ang nasabing lugar ay malapit din sa outpost ng nasabing task force.
Sinasabing nakatayo si Buncio sa lugar nang biglang sumulpot ang dalawang motorsiklo sakay ang apat na suspect at biglang pinaulanan ng bala ang una.
“Nakadapa na si Buncio binibira pa sa bibig, kaya grabe ang tama,” sabi pa ni Claravall.
Tiyempo namang nasa lugar ang tropa ni Claravall at narinig ang putukan, dahilan para agad silang rumesponde at nang maabutan ang mga suspect na papatakas ay pinaputukan sila nito.
Gumanti ng putok ang mga awtoridad sanhi para masawi ang isa sa mga suspect at nakatakas naman ang tatlong kasamahan nito.
Naitakbo pa sa FEU Hospital si Buncio pero idineklara rin itong patay, ayon pa kay Claravall.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente kung saan hinihinalang may kinalaman ang krimen sa mahigpit na pagpapairal ng illegal vendors ni Buncio sa nasabing lugar.
- Latest
- Trending