Minaltratong katulong, humarap na sa korte
MANILA, Philippines - Humarap na kahapon sa witness stand sa Quezon City court ang katulong na nabulag dahil sa pagmamaltrato ng kanyang mga dating amo. Sa sala ni QC RTC Branch 77 Judge Germano Francisco Legaspi, muling sinariwa ni Bonita Baran ang maraming beses na pananakit at verbal abuse sa kamay ng mag-asawang Reynold at Anna Liza Marzan mula Pebrero 2007 hanggang Mayo 2012.
Ang mag-asawang Marzan ay nahaharap sa seven counts ng serious physical injuries, two counts ng attempted murder at serious illegal detention dahil sa pagmamaltrato sa dating kasambahay.
Ilan lamang anya sa ginawang pagmamaltrato sa kanya ni Annaliza ay noong Hunyo 2010 sa loob ng bahay ng mag- asawa nang walang anu-ano ay tinaga siya ng gunting sa katawan at noong Hunyo 2011 sinapak siya ni Annaliza habang nasa hagdanan. Ang bagay na ito anya ay alam ni Reynold na noon ay hindi man lamang inawat ang asawa sa pananakit sa kanya.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Jesus Fernandez, abogado ng mga Marzan na magpa-file sila ng mosyon sa korte upang payagan si Annaliza na makapag pa-ospital dahil sa kanyang sakit sa bato at pagtaas ng blood pressure.
- Latest
- Trending