MANILA, Philippines - Nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang limang miyembro ng umano’y kilabot na ‘Ozamis robbery group’ matapos matukoy ang kanilang kuta sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Sa inisyal na impormasyong ibinigay ni QCPD director General Mario O. Dela Vega, nakilala ang mga suspect na sina Carlo Sanchez, Michael Dupor, Roger Gallego, Liza Singson, at Angeline Antonio.
Narekober sa kanila ang isang kulay itim na bag na naglalaman ng apat na matataas na kalibre ng armas tulad ng dalawang Uzi, isang kalibre 45 baril, isang kalibre 38 baril; at apat na cellphones na ginagamit nila sa kanilang transaksyon. May narekober ding mga panali tulad ng cable wire sa safehouse ng mga suspect.
Ayon kay Dela Vega, nasakote ang mga suspect dahil lamang sa paglabag sa batas trapiko ng isa nilang kasamahan na sakay ng motorsiklo na tumakas sa mga nagsasagawa ng checkpoint, patungo sa kanilang kuta sa Harvard St., Cubao sa lungsod.
Sinabi ni Dela Vega, ang nasabing grupo ay hinihinalang sangkot sa pinakahuling robbery/holdup incident na nangyari sa may Alabang Town Center sa Muntinlupa City kamakailan.
Sa inisyal na ulat, nangyari ang pagkaka-aresto sa mga suspect habang nagsasagawa ng checkpoint ang tropa ng Police Station 7 sa may kahabaan ng E. Rodriguez, Cubao, ganap na alas-3:30 ng hapon.
Isa sa mga suspect na sakay sa isang motorsiklo na kalaunan ay nabatid na si Gallego ang naispatan ng mga operatiba at dahil sa walang plaka at suot na helmet ay sinita nila ito.
Subalit sa halip na huminto, pinaharurot ng suspect ang kanyang motorsiklo, dahilan para magkaroon ng habulan hanggang sa tumigil ito sa isang bahay sa may 76 Harvard St., corner Columbia, 100 metro ang layo mula sa checkpoint.
Dito ay hinabol ng mga awtoridad ang tumakas na rider, at nang pasukin ang nasabing bahay ay saka tumambad sa kanila ang mga suspect na natutulog saka inaresto.
Sabi ni Dela Vega, natukoy nilang miyembro ng kilabot na Ozamis ang grupo dahil sa nakuhang identication card sa isa sa mga suspect na tumutukoy sa kanyang pagkatao at pinagmulang bayan.