MANILA, Philippines - Maghahain ngayong umaga ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) si Manila Mayor Alfredo S. Lim at kanyang vice mayoralty candidate na si Councilor Lou Veloso.
Ito naman ang nabatid mula kay chief of staff at media bureau director Ric de Guzman, kung saan kasama nina Lim at Veloso ang 36 kakandidato sa pagkakonsehal mula sa anim na distrito.
Ayon kay de Guzman, dadalo muna sa isang misa ang grupo nina Lim, Veloso at 36 na kandidato sa Freedom Triangle ng Manila City Hall kasunod ng flag-raising ceremony.
Isusumite nina Lim, Veloso at 36 kandidatong konsehal ang kanilang COC sa Arroceros habang ang mga kongresista na una nang nagpakita ng suporta sa alkalde ay kailangan na maghain ng COCs sa Intramuros.
Samantala, sinabi naman ni Lim na malaki ang kanyang tiwala kay Veloso dahil sa malinis na track record nito bilang konsehal bukod pa sa suporta nito sa lahat ng mga programa para sa mahihirap.
“He is very reliable at marunong tumupad sa sinumpaang tungkulin,” ani Lim. Sinabi naman ni Veloso na malaking karangalan na maging runningmate ni Lim na kilala sa pagbibigay ng serbisyo sa Manilenyo.
“Ang kagalingan ng isang tao ay di nasusukat sa ganda ng mukha. Nawawala din `yan sa paglipas ng panahon.
Ang mahalaga ay kagandahan ng kalooban. Di `yung nakakasira, nakakaperwisyo o nagsasamantala,” dagdag pa ng alkalde.