P15-M halaga ng alahas, pera natangay ng Gapos Gang
MANILA, Philippines - Tinatayang mahigit sa P15 milyong halaga ng pera at mamahaling mga alahas ang natangay sa isang negosyante at lima pang kasamahan nito, matapos pasukin ng anim na miyembro ng pinaghihinalaang “Gapos gang” ang kanilang tahanan sa lungsod Quezon.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group, nakilala ang mga biktima na sina Marilou Knight, 53, negosyante; anak na sina Adam, 23 at Jeremy, 18, Racquel Avisilla, 25, secretary; Maria Jamero, 48, housemaid at Donhill Aquino, 29, driver.
Ayon kay PO2 Julius Cesar Balbuena, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa loob mismo ng bahay ng pamilya Knight na matatagpuan sa no. 53-B, 3rd St., New Manila, Bgy. Mariana, ganap na alas-10:15 ng umaga.
Lumilitaw na abala sa paggawa ng report si Avisilla, secretary ni Marilou sa ikalawang palapag ng naturang bahay nang biglang pumasok ang dalawa sa anim na suspect, na kapwa armado ng baril at agad na tinutukan ang una.
Kasunod nito, inutusan ng mga suspect si Avisilla na dalhin sila sa kuwarto ng kanyang amo, kung saan pagsapit dito ay saka sila sabay-sabay na iginapos ng alambre at nilagyan ng packaging tape sa mukha.
Nang maigapos ng dalawang suspect ang mga biktima ay pumasok ang iba pa nilang kasamahan saka tuluyang nilimas ang mga mamahaling kagamitan ng mga biktima at pera na may kabuuang P15 milyon.
Matapos makuha ang pakay ay agad na sumibat ang mga suspect na ayon sa isang testigo ay nakita niyang sakay ng isang kulay pulang van na walang plaka patungo sa hindi mabatid na direksyon.
Samantala, nang makaalis ang mga suspect ay saka naman sinimulan ng mga biktima na kalasin ang kanilang gapos, saka dumulog sa himpilan ng barangay para humingi ng tulong, bago tuluyang magtungo sa himpilan ng CIDG sa Camp Karingal para sa kaukulang disposisyon.
- Latest
- Trending