Bodega ng kalburo, nasunog

 MANILA, Philippines - Tumagal ng halos 13 oras ang sunog na naganap sa isang bodega ng kalburo sa Caloocan City kamakalawa ng gabi. Base sa report ng Caloocan City Bureau of Fire, dakong alas-8:20 kamakalawa ng gabi nang magsimula ang sunog sa Reliance Warehouse, na matatagpuan sa 8th Avenue ng nabanggit na  lungsod na pag-aari ng isang Joseph Tuazon. Dakong alas-9:50 kahapon ng umaga nang ideklarang fire-out ang sunog at ayon  sa ulat ay nagmula  sa kanang bahagi ng nasabing establisimento na gawa sa semi-concrete materials hanggang sa tuluyang kumalat  ang apoy sa ilang combustible at flammable materials na nakaimbak sa nasabing warehouse. Isang fire volunteer naman na nakilalang si  Edmond Chan, 26, ang napaulat na nahirapan umano sa paghinga dahil sa matinding suffocation ang agad na dinala sa pagamutan upang mabigyan ng paunang lunas. Inaalam pa ng mga arson investigator ang halaga ng napinsala sa naturang sunog, gayundin ang sanhi nito. 

Show comments