MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo ang kinuyog ng taumbayan matapos sumigaw ang nakabanggaang Indian national na sakay din ng motorsiklo na sila ay holdaper sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ito ang lumalabas na dahilan kaya pinakawalan ng Manila Police District-Station 4 sina Feliciano Bernalez Jr., 27, at Joemar dela Serna, 22, matapos silang gulpihin at magtamo ng mga sugat, pasa at galos sa katawan.
Sa ulat, dakong alas -7:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa M. dela Fuente St., Sampaloc, Maynila.
Nabatid na magkaangkas sa motorsiklo ang dalawa nang pagsapit sa nasabing lugar ay nakasalubong nila ang isang di-nakilalang Indian national na naka-motorsiklo rin at mabangga nila ito.
Sumigaw ang Indian national na mga holdaper na tumutukoy sa kanila kaya sumaklolo ang mga nakatambay sa lugar kung saan kinuyog at ginulpi ang dalawa hanggang sa may rumespondeng mga kagawad ng MPD-Station 4.
Taliwas naman sa pahayag ng isang saksi na nakita umano nilang papatakas ang dalawa at nang habulin ng taumbayan ay nagtapon umano ng pekeng pera subalit nakasalubong ng iba kaya ito kinuyog.
Gayunman, pinakawalan din ng MPD-Station 4 ang dalawa matapos na walang lumutang na complainant dahil sa biglang naglaho na ang Indian national.