MANILA, Philippines - Magpapatupad ng traffic re-routing ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa darating na Linggo dahil sa inasahang pagbibigat ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Roxas Boulevard kaugnay ng isasagawang “Takbo Para sa Kapayapaan Fun Run”.
Ang naturang fun run ay inisponsoran ng Philippine Sports Commission at Office of the Presidential Adviser of Peace Process (OPAPP) na gaganapin sa Rizal Park at mag-uumpisa sa Quirino Grandstand.
Isasara ng MMDA ang south-bound lane ng Roxas Boulevard mula Katigbak hanggang sa EDSA mula alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga sa darating na Linggo.
Sa ipatutupad na traffic re-routing, lahat ng sasakyan na manggagaling sa norte ng Maynila ay pakakaliwain sa P. Burgos, kanan sa Ma. Orosa, kanan sa TM Kalaw, kaliwa sa MH del Pilar, kaliwa sa Quirino, kanan sa Mabini o Taft Avenue hanggang sa destinasyon.
Ang mga pa-westbound naman ng Qurino Avenue ay pakakaliwain sa Adriatico, kanan sa P. Ocampo, kaliwa sa FB Harrison hanggang sa destinasyon. Lahat naman ng behikulong pa-westbound ng Gil Puyat ay pakakaliwain sa Macapagal Avenue, kaliwa sa EDSA hanggang destinasyon.